Europarampa Edition
Ibang-iba dito sa Europa. Sa maraming aspeto, magandang iba. Literal kang magta-travel back in time sa ichura pa lang ng mga building at daan. Pati chura ng mga tao. Araw-araw naka-costume. Karamihan eh parang mga cut-out sa magazine. Tangos ilong, kinis, puti, ganda, gwapo. Usual. Literal ding nakakapanliit. Lalo sa Amsterdam. (Useless fact: ang mga Dutch ang isa sa mga pinakamatatangkad na lahi.)
'Pag bagong salta sa isang lugar, madalas naghahanap tayo ng something na pamilyar. "Uy Starbucks." "Uy McDo." Mas madaling abalahin ang mata at utak sa mga gantong kababawan, kesa dibdibin ang mga maliliit na detalye na di mo alam ang ibig sabihin. O kung may ibig sabihin ba. Madalas naman wala. Pero yu'ng naliligaw ka at nanginginig ang kaibuturan sa lamig? Mahirap lang magpanggap na "I belong" sa mga gantong pagkakataon.
Pero may dalang laya din ang maging iba sa isang lugar. Naramdaman ko 'to sa Paris. May dalang laya ang pamilyar. Para syang may pamilyar na vibe ng Maynila kase. Sabi nga ng isang kaibigan eh, "Quiapo ng Europa." Mala mala. Daming balahura. Daming kupal. (Inside joke namen: Monsieur Kupelleaux.) Na saken ay mas interesting ang dating. Hindi hipster interesting. Pamilyar interesting - mas ganun. Na mapadpad sa ganto kalamig na lugar sa unang pagkakataon - tipong mapapamura ka bawat hininga - ang pamilyar na Quiapo vibe na pinalakas at pinaganda ay tila mainit na sabaw. Feels like home.
Pangarap kong makapunta ng Paris bata pa lang ako. (Tanda na din. Hahhaa!) Nangyari na. Kahit isang araw lang akong nakaikot, natupad na. And the sweetest icing on the cake? Kasama ko ung 2 kaibigang kasama kong pinangarap 'to.
Sarap.
Masasabing, panahon na ata para bumuo ng mga bagong pangarap.